Ang gurong ‘di nagpasalamat



NAIS KONG IBAHAGI ang isang karanasan ko nu’ng bago pa lang ako sa MMSU. Unang semester ko noon ng pagtuturo sa unibersidad.

Ako ay bahagi ng College of Arts and Sciences o CAS. Kapag faculty ka sa kolehiyong ito ay lilibutin mo ang iba’t ibang mga gusali para sa iyong mga klase. Itinayo sa mahigit sa isandaang ektaryang lupain, malawak ang MMSU at magkakalayo ang mga building kung kaya’t sumasakay kami sa tricycle madalas, lalo na kung sobrang init o umuulan, kapag gahol ka na sa oras, o kung pagod at tinatamad ka nang maglakad.

Minsan, mula sa CAS papuntang CBEA, isang kolehiyong may kalayuan, ay may nakasabay akong isang guro at isang estudyante sa pagbiyahe. Ako at ang guro (mga 40 pataas ang edad, babae) ay nasa loob ng tricycle samantalang ang estudyante naman ay nag-“backride”, sumakay sa may likuran ng drayber.

Tinanong ako ni Ma’am kung saan ako bababa. “Sa CBEA po,” aking tugon. At di na kami nag-usap pa.

Naunang bumaba si Ma’am sa isang mas malapit na gusali, nagbayad siya at sinabi sa drayber, “Duwakam ditoyen” (Dalawa na kami dito). Ang initial reaction ko e magpasalamat lalo na’t hindi pa ako sumasahod noon, pero bigla akong napatigil at tinanong sa aking sarili, “Sino ba ang inilibre niya? Ako ba o ’yung estudyante? Baka naman ‘yung estudyante kasi ay di pa naman kami magkakilala ni Ma’am.” Hayyy, ang hirap! Kapag nagpasalamat ako at hindi pala ako ’yung inilibre, mapapahiya ako at baka ganun din si Ma’am. Awkward ‘yung sabihin ni Ma’am: Ay, sori, haan nga sika’t impletyak, diya’y ubing (Sorry, hindi ikaw ang inilibre ko, ‘yung bata). Ngunit, kapag ako pala ’yung inilibre at hindi ako nakapagpasalamat, nakahihiya naman… at baka maipamalita pa ni Ma’am na “’yung bagong faculty e hindi marunong ng tamang asal”. Dahil ‘di ko malaman ang gagawin, hindi na lang ako nagpasalamat.

Pagdating sa CBEA, sinubukan kong magbayad. Kapag tinanggap ng drayber ang pamasahe ko, aba’y mabubunutan ako ng tinik dahil hindi naman pala ako ’yung inilibre. Ngunit kapag hindi niya tinanggap ang bayad ko, patay! Dyahe kay Ma’am.

Tinanggap ito ng drayber… kaya’t ako’y napangiti. Nu’ng paalis na ’yung tricycle, ipinaalala ko sa estudyante, “Ading, ’wag ka nang magbayad ha, inilibre ka na ni Ma’am”. Ang malaking ngiti sa aking mukha ay nalusaw na parang ice cream (ube flavor) nu’ng makita ko ang reaksyon ng bata: bakas sa kanyang mukha ang pagtataka at pagkagulat. Hindi pala niya kilala si Ma’am, at mukhang sa tingin niya ay hindi naman siya ililibre nito.

Sus! Malamang ay ako pala ang pinagmagandahang-loob. Ano ba’ng buhay ‘to? Nang dahil sa pitumpisong pamasahe ay nagulo ang mundo ko.

Alam kong magkikita pa kaming muli ni Ma’am kaya puwede pa sana akong bumawi, ang problema ay hindi ako matandain sa mga mukha. Malamang, ‘pag magkasalubong kaming muli e hindi ko siya mamumukhaan.

Ang solusyon? Nginingitian ko na lang lahat ng aking makasalubong. Hindi lang basta ngiti ha… Hindi ngiting pitumpiso… Kundi ‘yun bang smile ng batang ibinilhan mo ng pitong Happy Meal sa McDo. Ayun.

At mukhang epektib naman. Mahigit isang taon na mula noon e ‘di pa naman kumakalat na ako’y isang taong hindi marunong mag-tenkyu. Sa ating kultura pa naman, napakahalaga ng pagpapasalamat. Hindi naman dahil sa naghahanap tayo ng kapalit sa ating mabuting gawain kundi dahil sa kapag hindi mo na-appreciate ang kabutihang-loob ng iyong kapwa ay parang binale-wala mo na rin ang kanyang buong pagkatao. Sensitib tayong mga Pinoy dito.

Ang leksiyon: ang inyong abang lingkod ay malugod pa ring tatanggap ng inyong tulong, sa loob man o labas ng tricycle. Sana lang ay pakilinaw ha. Tenk yu. Siyanga pala, bakit naman ganun si Manong Drayber, tanggap lang nang tanggap?! At si backrider, nabagabag rin kaya ang kalooban tulad ko?

At sa iyo, Madam Mapagbigay, marami pong salamat. Hindi lamang sa baryang inyong ibinahagi, kundi pati na rin sa pagkakataong ako’y makapagnilay-nilay at masuri ang aking pakikipagkapwa. At dahil ‘di kita namukhaan kaya’t di ako makaganti. Sa aking muling pagsakay ay aalalahanin ko na lamang ang iyong magandang halimbawa. Sino man ang makasabay, ako naman ang taya.