Iglesia moments ng hindi Iglesia

INC

Isang maalab na pagbati sa lahat ng mga kasapi ng Iglesia ni Cristo. Wow, ‘sandaang taon na kayo.

Lumaki akong ayaw sa Iglesia ni Cristo. Noong bata pa ako—nung grade school—tumatawag ako sa radio upang makipagtalo tungkol sa relihiyon at ipagtanggol ang Katolisismo laban sa Iglesia. “Best in religion” kasi ako lagi noon at champion sa mga bible quiz.

Isa sa mga kapatid ng nanay ko, si Uncle Erning, ay umanib sa Iglesia nang maging nobya niya si Auntie Meding. Tuwing family reunion at magluluto ng tinola si lola, nagtatalo ang mga tito ko kung ano ang gagawin sa dugo ng manok. Ibaon sa lupa, sabi ni ni Uncle Erning, sapagka’t iyon daw ang nakasaad sa banal na kasulatan samantalang ang iba pang mga uncle ko ay gustong ihalo ang malinamnam na dugo sa tinola, dahil ‘yun daw ang nasusulat sa cookbook. Hindi naman seryosong pagtatalo ‘yon, kantyawan lang. Hindi ko na maalala kung sino ang nasunod, pero naaalala ko na laging masarap ang native na tinola, may dugo man o wala, basta’t pinagsasaluhan ng pamilya.

Dati, parang kulto o sindikato ang tingin ko sa Iglesia. Hindi ko sila maunawaan, o baka simpleng ayaw ko lang talaga sa kanila. Ngunit noong fourth year high school ay dumating sa buhay ko si Rona, ang girlfriend kong mabait, matalino, maganda, at Iglesia ni Cristo. Isang mahabang proseso bago niya ako nakumbinsing sumama sa pagsamba. Sinubukan ko pang kumbinsihin siya na upang patas ay makikisamba ako sa Iglesia tuwing Huwebes at sasama naman siya sa’kin sa Simbahang Katoliko tuwing Linggo, ngunit ipaliwanag niyang ‘di talaga puwede.

Maaga kaming pumunta sa kapilya dahil bawal raw ma-late. Hiwalay ang upuan ng mga babae sa lalake at ginabayan ako ng diakonesa patungo sa aking upuan. Hindi puwedeng mamili, hindi tulad sa Katoliko na puwedeng dumiretso sa mga upuang malapit sa electric fan. Napansin ko agad ang kaayusan sa loob ng kapilya. Walang mga batang umiiyak o nagtatakbuhan. Walang nagbebenta ng kandila, at wala ring nag-aalok ng rebulto, popcorn o balloon sa labas. At maayos ang pananamit ng lahat; angkop ang kasuotan sa banal na gawain.

Noong magsimula ang pagsamba, napaka-solemn ng mood; talagang damang-dama ng mga kasapi ang pagkanta at pananalangin, mayroon pa ngang mga lumuluha at umiiyak. Hindi ko man lubos na naunawaan ang lahat, naramdaman ko ang alab ng pananampalataya ng mga miyembro. Hindi kami nagkatuluyan ni Rona ngunit hindi ito dahil sa relihiyon.

Continue reading “Iglesia moments ng hindi Iglesia”